Kapag may Bagyo

May nangyayari sa paligid na kakaiba.

Alas-kwatro pa lang ngunit madilim na ang paligid,haplos ng hangin ay malamig. May kaunting kilabot na nararamdaman.

Nasambit mo,”Mahangin dahil Nobyembre.”Napakabilis ng panahon,na parang ang mga buwan ay hinihila ng mga taong gustong makalimot.

Subalit mali ka kung sa tingin mo ako din ay binago nito.

Mahigit isang taon na pero andito pa din ako. Sinasalanta ng pabago-bagong klima ngunit nanatiling matibay at nakatayo.

Maya’t maya may darating,bugso ng damdamin na parang hanging nag-aalimpuyo sa lakas. Magdamag na iihip at sisipol,kinabukasan ay mang-iiwan ng bakas.

Nasanay na ako. Magwawalis at ililigpit ang mga kalat ng ala-ala,masasaya ngunit nakakasugat.

Subalit hindi ka pa pala tapos. Naala ko,nasa dagat Pacifico tayo,dadaan at dadaan ang bagyo kahit anong ilag mo.

Nagbago ako ng stratehiya. Naglagay ako ng mga panangga,mga pabigat sa bubong. Itinali ko ang mga pwedeng matangay ng hangin,pinutol ko ang mga sanga na pwedeng bumagsak.

Handa na ako ngayon. Marahil hindi na ako matatangay muli.

Akala ko lang pala yun.

Dumating ka,mas malakas pa sa aking iniisip. Mas matagal ka ngayon,na para bang nasa iyo ang lahat ng oras,na para bang ako lang ang pinili mong salantain.

Sumipol ang hangin,nangungusap. Nakiramdam ako sa iyong ibig ipahiwatig. Humina ang ulan,ngunit ramdam ko andiyan ka pa din.

“Ano ang kailangan mo?”,matapang kong tanong.

Unti unting nawala ang malakas na hangin,ang ulan ay tumila.

Lumabas ako at itinaas ang mata sa himpapawid,may malamyos na hangin at konting ambon.

Sa may di kalayuan,ikaw ay nakatayo. Nangingiti at nahihiyang lumapit.

“Ikaw.”

Minsan,simpleng tapang lang pala ang kailangan para harapin ang bagyo. Isang tanong,at isang simpleng sagot.

Advertisements