Tala

Hawak mo ngayon sa isang kamay,libro na kanina pa gustong magbahagi ng kwento.

Ngunit ang diwa at isipan mo ay nasa kalawakan niya,

Bituin at mga planeta sa kanyang mga matang kanina mo pa tinatanaw.

Kamay ay itinaas,hintuturo mo ay dahan dahang sinusundan ang linya ng kanyang konstelasyon,

Nangangarap ka na may mahulog na bulalakaw mula sa kanyang puso.

Pipikit ka,

Hihiling,pangalan niya’y sambit

Matamis na ngiti sa labi ay gumuhit.

Subalit mabilis ang hulog ng bituin,ang apoy nito ay mamamatay din.

Pagbukas ng iyong mga mata,kislap na hanap mo ay wala na.

Ginalugad mo ang kalawakan,nangarap na siya ay dumaan muli.

Ngunit ang isang tala ay minsan lang mahulog,

Ang pagbulusok nito pababa ay mabilis,diretso at sigurado.

“Narinig kaya niya ako?”

Tinalikuran mo ang kalawakan,naglakad ka papalayo,

Ngunit hinabol ka ng bulong ng hangin at sumagot ng,

“Oo.”

Advertisements