Oras

Saan napunta lahat ng oras at pagkakataon? Bakit parang tumatakbo ang orasan at hindi na mahabol? Kahit anong pahinuhod mo na ika’y hintayin,kahit lingon man,ay hindi niya gagawin.

Oras. Laman ka ng bawat kanta,tula,at nobela.

Oras. Madalas kang tingnan. Aabot ba ako?

Oras na kay bilis kung ikaw ay masaya,na para bang nakatawa pa at nagsasabing,”Panandalian lamang ito.”

At kapag ikaw ay nasa gitna ng hingpis at kalungkutan ay simabagal ng sasakyan na nasa gitna ng Edsa,”Sige,dito ka na lang muna.”

Oras na naubos sa kakaantay at paniniwalang darating din sa takdang panahon ang lahat. 

Gumalaw ka kasabay ng oras,sundan mo ang bawat segundong kanyang tinatakbo. 

Pangarap ko na sa isang buong araw ay hindi ako nakatingin sa relos ko,na akin ang pagkakataon na ito,at walang oras at tao na magdidikta kung mabagal o mabilis ang bawat minuto. 

Pangarap ko na ang tibok ng puso ko ang magsasabing,”Gising,bagong araw na at nakalaan sayo ang lahat ng oras. Gawin mo ang ikasasaya nating dalawa.” 

Advertisements